Huwebes, Pebrero 16, 2017

Bandang Dulo


Bandang Dulo

(dapithaponsaPilipinas)

Huling araw ng Enero
nang ang mga bagay na ito’y
napag-isipan ko
wangis ng damdamin tila paupos na
ang pagpatak ng bawat segundo
ang syang hudyat sa isang
desisyong magpapalaya
sa pusong umaasa
-lilimutin ka na.
Muli mong binuksan
ang pahina ng gintong aklat
bagay na matagal ko nang itinago
sa mga gamit na patapon na
hindi ko na iisa-isahin pa
ang sayang naidulot mo
ang mga ngiting nahatid mo
pagkat ako’y nakapagpasya nang
-lilimutin ka na.
Kung babalikan pa ang dahilan
sa bawat saya at ngiting ibinigay mo
baka ako’y mgkamali
at hindi na ituloy pa
ang pasya kong
-lilimutin ka na.
Siguro nga’y para lamang tayong
dagat at kalangitan
kailanma’y hindi pwedeng maghawakan
hanggang tingin na lamang
hanggang tanaw na lamang
ang tanging handog ni kupido,
ang ating pagtatagpo ay isa lamang
matamis na ilusyon
sa mata ng isang palalo.
Sa himig ng isang kanta
nauubusan na ng linya
tanging koro na lamang
ang inuulit-ulit pa
para bang ang mga salita’y
nagpapaalam na
tapos na ang pagtipa sa mga nota
tapos na ang pagawit ng mga himig
pagkat ako’y nakabuo na
ng aking huling pasya
-lilimutin ka na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento